TINIG #01 · MONACO
E.
Kalahati para sa mga magulang ko. Kalahati para sa akin.
Isinalin mula sa orihinal na Ingles ni E.
Bago ako umalis ng Pilipinas, bumili ako ng isang sakong bigas.
Kalahati para sa mga magulang ko at kalahati para sa akin.
Ibinenta ko kung ano ang mayroon ako sa bahay at umalis ako ng bansa.
27 years old ako noon.
Hindi ko alam kung ano talaga ang naghihintay sa akin. Ang alam ko lang, gusto kong makatulong sa pamilya ko.
01 — PAG-ALIS
Ako ang panganay sa 11 magkakapatid.
Habang lumalaki kami, ang mga kapatid ko ang mundo ko. Para na rin akong pangalawang nanay nila, at bata pa lang ako, tumutulong na ako para suportahan ang pamilya namin.
Nakapagtapos ako ng college at nagtrabaho sa isang opisina sa Pilipinas. Pero marami akong plano sa isip kung paano ko matutulungan ang pamilya ko na magkaroon ng magandang kinabukasan.
Kaya nagdesisyon akong umalis.
Excited ako dahil iniisip ko na baka may magbukas na oportunidad sa ibang bansa para sa akin at sa pamilya ko. Pero malungkot din ako dahil iiwan ko sila.
Ang nanay ko lang ang naghatid sa akin sa airport.
Nang sumakay ako sa eroplano, hindi ko talaga alam kung ano ang gagawin. Bago sa akin ang lahat. Naalala ko nang dumating ang pagkain, tumingin ako sa paligid para makita kung ano ang ginagawa ng ibang tao.
Hindi ako sanay gumamit ng kutsilyo at tinidor.
Naisip ko, “Pwede bang kamay na lang ang gamitin ko?”
Kinakabahan ako, pero sinabi ko sa sarili ko na malaki na ang nagastos ko para sa biyaheng ito.
Hindi ko sasayangin ang pagkakataon.
02 — PAGTATAGUYOD
Una akong pumunta sa Denmark dahil may kaibigan ako roon na tumutulong sa akin na makahanap ng trabaho.
Winter nang dumating ako.
Halos araw-araw, nakikita kong bumabagsak ang snow mula sa bintana.
Mag-isa ako, walang makausap.
Sobrang lungkot ko.
Miss na miss ko ang mga kapatid ko. Miss ko ang Pilipinas. Miss ko ang adobo at pritong isda, ang mga pagkaing kinalakihan ko.
Sa amin, hindi kami pumupunta sa restaurant. Malaki ang pamilya namin. Nagluluto ako ng mga ginataan, dahon ng malunggay at kung anong gulay ang available, kasama ang gata.
Sa loob ng apat na buwan, walang balita tungkol sa akin ang pamilya ko.
Ayokong sabihin sa kanila ang masasamang balita.
Ako ang pag-asa nila.
Kailangan kong maging matatag para sa kanila, o kahit man lang gusto kong isipin nila na matatag ako.
Isang araw, nakakita ako ng advertisement para sa trabaho sa South of France. Sumulat ako ng application letter at natanggap ako.
Wala pang mga mobile phone noon. Hindi ko basta matatawagan ang pamilya ko para sabihin kung ano ang nangyayari.
Kaya nagpadala ako sa kanila ng sulat.
“This time, may good news ako.”
At umalis ulit ako.
03 — PAGBUO
Dumating din ako sa Monaco.
Sa Pilipinas, nagtatrabaho ako sa opisina. Pero hindi ako marunong magsalita ng French, kaya ang mga trabahong available sa akin ay housekeeping at pag-aalaga ng mga bata.
Bago sa akin ang lahat.
Kalaunan, hiniling ng employer ko na magluto ako para sa pamilya.
Hindi ako nagluluto sa bahay noon.
Kaya ginamit ko ang lahat ng cooking books na nakita ko sa mga shelves sa kusina at nagsimula akong mag-experiment.
Natuto akong magluto ng French at British cuisine mula sa mga recipe books. Gusto kong matuto ng mga bagong bagay tungkol sa trabaho ko.
Simple lang ang attitude ko:
“Kung hindi mo alam, maging honest ka.”
“Willing akong matuto. Turuan mo lang ako, please.”
Unti-unti, naging cook ako ng pamilya.
Masaya ako kapag sinasabi nilang masarap ang pagkain na inihanda ko. Minsan, ipinapakilala nila ako sa mga bisita nila. Nakakilala ako ng ibang tao at unti-unti kong nalampasan ang pagiging mahiyain ko.
Nagtrabaho ako nang husto.
Minsan, kapag may lunch o dinner, nagtatrabaho ako ng 14 o 16 na oras.
Pero kumikita na ako nang sapat para makapagpadala ng pera sa pamilya ko.
Iyon ang dahilan kung bakit ako umalis.
Pagkatapos ng isang taon, sumunod sa akin ang asawa ko. Nakahanap din siya ng trabaho, at nagsimula kaming bumuo ng sarili naming pamilya dito.
Naging nanay ako.
Pero responsibilidad ko pa rin ang mga kapatid ko sa Pilipinas.
Sa loob ng maraming taon, halos taon-taon kaming umuuwi sa Pilipinas para magbakasyon. Parang reward namin iyon sa sarili namin pagkatapos ng napakahirap na trabaho, at pagkakataon din para makita ang pamilya na miss na miss ko.
Nag-iipon ako buong taon para sa mga biyaheng iyon.
Kapag may financial crisis sa pamilya, marami ang inaasahan sa akin. Sa loob ng maraming taon, ginagawa ko iyon nang hindi na nag-iisip dahil mahal na mahal ko sila.
May mga panahon na kailangan kong kumuha ng extra jobs para lang magkaroon ng dagdag na income para sa sarili kong pamilya na lumalaki rin dito.
Wala akong savings.
Ngayon, kapag binabalikan ko ang lahat, iba na ang pagkakaintindi ko.
Sa kultura natin, kapag may isang taong umalis ng bansa, minsan nagiging responsibilidad niya na tulungan ang natitirang pamilya sa Pilipinas.
Mahalagang tumulong sa pamilya.
Pero ang unconditional love ay hindi nangangahulugan na kailangan mong tumulong palagi kahit wala ka nang kakayahan.
Maraming taon bago ko iyon naintindihan.
04 — ANG PAMANA KO
Isa pang challenge ang pagpapalaki sa sarili kong mga anak habang full-time akong nagtatrabaho.
Lumaki ang panganay kong anak kasama ang mga anak ng employer ko. Naglalaro sila, pumupunta sa restaurant at nagba-ballet nang magkasama.
Pero nang magsimula na siyang mag-aral, naging mas mahirap para sa akin.
Kailangan niyang umasa sa sarili niya sa mga school assignments dahil limitado ang alam ko sa language.
Sinubukan ko siyang tulungan, pero minsan pareho kaming umiiyak sa harap ng school assignment na hindi namin matapos.
Mahirap tanggapin bilang isang nanay na hindi ko laging matulungan ang anak ko sa mga kailangan niya sa school.
Kaya nag-focus ako sa kung ano ang kaya kong gawin.
Determinado akong palakihin siya at mahalin siya hangga't kaya ko.
Siguro nakatulong din ang mga paghihirap na iyon para maging independent siya.
Nag-aral siyang mabuti.
Makalipas ang ilang taon, natapos niya ang kanyang Master's degree.
Noong graduation day niya, ibinigay sa akin ng anak ko ang diploma niya.
Sinabi niya sa akin na ang tagumpay niya ay tagumpay ko rin.
Sobrang proud ako sa kanya.
Ngayon, nasa seventies na ako at retired na pagkatapos ng maraming taon ng hard work.
Kapag binabalikan ko ang nakaraan, pakiramdam ko may naabot ako sa buhay ko.
Proud akong mag-iwan sa pamilya ko ng isang pamana ng sakripisyo at hard work — ng lahat ng pinagdaanan namin para makarating sa kung ano kami ngayon, isang masayang pamilya na nagmamahalan.
“Ito ang Pamana ko sa inyo.”
“Hindi isang materyal na bagay, kundi pagmamahal at dedikasyon sa pamilya.”
“Mula sa wala, may nabuo.”
— E., Monaco
